MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na umabot na sa 1,128 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinubuga ng Bulkang Mayon noong Martes na mas mataas kumpara sa 721 tonelada lamang na naitala noong Lunes.
Nakapagtala rin ang bulkan ng 24 volcanic earthquakes na mas mataas din mula sa dating tatlo lamang. Naobserbahan din naman ng Phivolcs ang may 423 rockfall events at walong pyroclastic density current (PDC) events ang bulkan, patuloy pa rin ang mabagal na pagdaloy ng lava na may habang 2.8 kilometro sa Mi-isi Gully at 1.4 kilometro naman sa Bonga Gully.
Nagkaroon din ng pagguho ng lava sa Basud Gully na hanggang apat na kilometro mula sa crater ng bulkan na patuloy pa ring namamaga.
Naitala rin ng Phivolcs ang 750 metrong taas ng plumes o katamtamang singaw, na napapadpad sa kanluran-timog-kanluran habang nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang bulkan.
Mahigpit ang paalala ng Phivolcs na ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa 6-km radius permanent danger zone (PDZ) ng bulkan at pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw nito.