Pahayag ng DOJ kinontra ng PNP…
MANILA, Philippines — “Walang katotohanan at basehan ang naging pahayag ni Justice Secretary Crispin Remulla na basta na lamang sinalakay ng PNP ang POGO hub kung saan nasa mahigit 2,000 POGO workers ang naaresto.”
Ito ang pahayag ni PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo dahil sa may koordinasyon sila mula sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang raid sa Las Piñas noong Hunyo 27 kung saan nasa mahigit 2,000 POGO workers ang naaresto.
Ayon pa kay Fajardo na sa katunayan, kasama ng mga pulis ang ilang prosecutors nang ipatupad ang search warrant laban sa Xinchuang Network Inc.
Kaugnay nito, sinabi naman ni PNP Public Information Office chief PBGen. Red Maranan na makikipagpulong si PNP-ACG Director PBGen. Sydney Hernia sa Department of Justice (DOJ) upang isa-isahin ang sistema at pagpaplano bago isinagawa ang raid.
Layon nitong bigyang linaw ang mga akusasyong kulang sa case build up at basta-basta na lang nagkasa ng operasyon ang PNP-ACG.
Ani Maranan, sakop ng mga warrant ang kanilang operasyon at ito’y nagarantiya ng mga hukom base sa surveillance at impormasyon na kanilang nailatag.
Samantala, hiniling ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na isama sila sa mga ginagawang inspection sa mga POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) hub sa bansa.
Para kay PNP-ACG Director PBGen. Sydney Sultan Hernia, naniniwala silang mas marami pang mga dayuhang pugante ang nagtatago sa mga POGO hubs, maliban pa sa mga nauna nang nahuli ng pulisya.
Aniya, mistulang nagiging ‘trend’ para sa mga pugante ng iba’t ibang mga bansa, kayat tiyak na mas marami pa ang nagtatago sa iba pang hub na hindi pa natutukoy o nakikita ng pulisya.