MANILA, Philippines — Bago maibalik ng Department of Education (DepEd) ang lumang school calendar ay posible umanong abutin pa ito ng mula tatlo hanggang limang taon.
Ayon kay DepEd spokesperson at Undersecretary Michael Poa, ang naturang timeline ay base sa kasalukuyang pag-aaral na isinasagawa ng ahensiya.
Aniya, inaantabayanan pa rin nila ang pinal na ebalwasyon ng grupo hinggil dito at mayroon rin aniyang dalawang aspeto ang tinitingnan nila sa ngayon.
Ang una aniya ay kung babalik ba dahil napakainit sa mga silid-aralan kung summer season.
Ang ikalawa naman ay kung sakaling magdesisyon na bumalik sa lumang kalendaryo ay hindi naman ito kaya ngayong taon.
Una nang sinabi ni Poa na kabilang sa ikinokonsidera nila sa kahilingang ibalik ang lumang school calendar ay ang minimum na bilang ng school days.
Ang lumang school calendar ay nagsisimula ng unang Lunes ng Hunyo at nagtatapos sa buwan ng Marso.
Hinikayat ni Poa ang mga opisyal ng pamahalaan na huwag nang i-require ang mga mag-aaral na pumasok sa paaralan kung napakainit ng panahon dahil maaari naman aniya silang magpatupad ng alternative delivery modes.