MANILA, Philippines — Isang dentista ang nagpapagaling sa ospital matapos siyang tusukin sa mata ng dalawang hindi pa kilalang kalalakihan na pumasok sa kanyang klinika nitong Miyerkules sa Cebu City.
Kinilala ang biktimang si Dr. Charles Sia, 41, nakatira sa Sto. Niño Village, Barangay Banilad, Cebu City.
Ayon kay PCapt. Mark Don Alfred Leanza, hepe ng Abellana Police Station, alas-2:19 ng hapon nang pasukin ng mga suspek ang biktima sa loob ng kanyang clinic sa Queens Road, Redemptorist church Barangay Kamputhaw, Abellana, Cebu City.
Sa salaysay sa pulisya ng secretary ni Sia na si Neña Rose Rosell Bardisco, pumasok ang mga suspek na nakasuot ng kulay green at itim na jacket sa loob ng clinic at nagpanggap na mga delivery rider.
Hinanap ng mga ito ang biktima at sinasabing mayroon silang item na kailangan si Sia ang tumanggap.
Hanggang sa bumunot ng baril ang suspek na nakasuot ng green na jacket at tinungo ang doctor na noo’y may pasyente.
Pinosasan ng mga suspek ang mga kamay ng doctor, secretary, ganun din ang pasyente at asawa nitong kasama.
Pagkatapos ay tinusok ng suspek ang mga mata ng doktor at bago tumakas ay nagbitaw ng salita ang isa sa suspek na “malaki ang atraso nito sa akin.”
Mabilis naman tumawag ng ambulansya sa Emergency Rescue Unit Foundation saka dinala sa ospital si Sia at patuloy na inoobserbahan ang kanyang mga mata.
Patuloy naman ang ginagawang follow-up operation ng pulisya para sa tunay na pagkakakilanlan sa mga suspek at agarang ikadarakip sa mga ito.