MANILA, Philippines — Nailipat na kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City Jail mula sa National Bureau of Investigation (NBI) facility si Jad Dera, ang co-accused ni dating Senator Leila de Lima sa kaso nitong droga.
Si Dera na kamakailan ay inaresto kasama ang limang jail guard matapos na lumabas sa detention facility ng NBI ay opisyal nang nailipat sa nasabing kulungan, alas-7:11 ng gabi nitong Huwebes.
Si Dera ay inalis sa NBI facility pasado alas-6:00 ng gabi guwardyado ng maraming NBI agents habang dinadala sa Muntinlupa City Jail.
Ang pag-utos ng Muntinlupa Court na ilipat si Dera ay sa kahilingan ng Department of Justice (DOJ) nang mahuli ito na lumabas sa NBI facility kasama ang ilang ahente noong Hunyo para lang makipag-date.
Sa Senate hearing ay inamin ni Dera na marami nang beses na siya ay labas-pasok sa NBI facility at isa lang dito ang legal dahil may court order.