Estudyante napisak sa salpok ng jeep

MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang 16-anyos na lalaking estudyante matapos na masalpok ng jeep habang naglalakad sa bangketa, kamakalawa ng hapon sa tapat ng isang supermarket, Kadiwa, Brgy. Burol 1, Dasmariñas City, Cavite.
Kinilala ang nasawi na si Renz Jether A. Matias, residente ng Blk 1 Brgy. H2 ng lungsod habang sugatan ang helper ng delivery jeep na si Rene Lohera, ng Excess Lot Public Market ng nasabing barangay.
Sa ulat, alas-4:00 ng hapon ay naglalakad ang biktima kasama ang mga kaklase pauwi sa kanilang bahay sa Congressional Road at pagdating sa harap ng isang supermarket ay nasalpok ito ng isang jeep (DNK-214) na puno ng mga gulay at buko na minamaneho ni Zaldy Digma Bago, 43, ng Taiwanak Ilaya, Alfonso, Cavite.
Nabatid na ang jeep ay galing sa 3rd floor ng nasabing pamilihan at dahil sa pababa ito ay hindi nakayanan ang bigat na karga kaya’t nawalan ng preno at tuluy-tuloy na bumulusok pababa hanggang sa dumiretso sa kabilang linya ng kalsada kung saan naglalakad ang mga estudyanteng papauwi na at natumbok ang biktima habang tumilapon naman palabas ng jeep ang helper na kasalukuyan ngayong ginagamot sa pagamutan.
Kasalukuyang nakakulong ang driver ng jeep at mahaharap sa mga kaukulang kaso.
- Latest