MANILA, Philippines — Muling naghain kahapon ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng petisyon para sa taas-pasahe sa Rail Regulatory Unit (RRU) ng Department of Transportation (DOTr).
Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino, siya ring officer-in-charge ng MRT-3, layunin ng petisyon na maitaas ang kanilang boarding fare sa P13.29, mula sa dating P11 lamang, o dagdag na P2.29.
Hiniling rin umano nila sa petisyon na mapahintulutan silang maitaas ang distance fare ng mula P1 kada kilometro at gawin itong P1.21 kada kilometro.
Sinabi naman ni DOTr Undersecretary for Railways Cesar Chavez na inaasahan nilang mailalabas ang desisyon sa kanilang petisyon matapos ang dalawang buwan.
Ani Chavez, tulad ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2), wala ring fare adjustment ang inaprubahan para sa MRT-3 sa nakalipas na walong taon.
Ang pasahe sa MRT-3 sa kasalukuyan ay nasa mula P13 na minimum hanggang P28 na maximum.
Noong nakaraang buwan naman, inianunsiyo ng DOTr na pinahintulutan na ang taas-pasahe sa LRT-1 at LRT-2, simula sa Agosto 2.