7 pang POGO hub sa Las Piñas, ni-raid
MANILA, Philippines — Muling nagsagawa ng raid ang pinagsanib na pwersa ng PNP- Anti-Cybercrime Group at National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pito pang gusali ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Las Piñas City, kaugnay sa hinihinalang mga dayuhang biktima ng human trafficking.
Nasa 299 operatiba ang nagsagawa ng operasyon bitbit ang inisyu ng Las Piñas court na dalawang search warrants at limang warrants to search and seize computer data laban sa pitong gusali na pag-aari ng Xinhuang Network Technologies, na nasa Alabang-Zapote Road, Barangay Almanza Uno, Las Piñas.
Kasunod ito nang naunang pagsalakay na ikinasa noong nakaraang linggo kung saan nasagip ang nasa 2,700 na mga dayuhan at Pinoy na sinasabing biktima ng illegal recruitment at human trafficking.
Nilinaw naman ni P/Brig. General Redrico Maranan, na dahilan sa pagsalakay ay upang makuha ng pulisya ang personal profiles ng mga hindi pa pinakakawalang 1,284 dayuhan na kabilang sa nasagip noong nakalipas na linggo.
“We would like also to clarify that these rescued victims are being processed to get their personal profiles, travel history and status for documentation purposes prior to turn over to their respective embassies,” ani Maranan sa isang pahayag.
Una nang kinuwestiyon ng Vargas Law Office na kumakatawan sa Xinchuang Network Technology Inc., na maghahain sila ng criminal, civil at administrative cases laban sa PNP kung hindi pa rin palalabasin ng compound ang mga natitira pang dayuhan.
Nanindigan naman ang PNP na letihimo ang isinagawang raid sa tanggapan ng Xinhuang Network Technologies.
“At the outset, we would like to emphasize that this operation is legitimate, and was carried out on orders of a competent Court. The judge issued the warrants after she had personally examined the complainants, and witnesses through a personal searching inquiry”, pahayag ni Maranan kung saan ang mga nasagip na Pinoy ay pinauwi na sa kanilang mga tahanan.
Ang search warrants ay inisyu ng National Capital Judicial Region, Branch 202, Las Piñas City laban sa pito pang gusali ng naturang kompanya.
Kamakalawa rin, limang Chinese nationals na kinilalang sina Li Jiacheng, alyas Li Jiachang; Xiao Liu alyas Xiao Lin, Yan Jiayong, alyas Pan Wen Jie; Duan Haozhuan at LP Hongkun, alyas Li Yang ay ipirinisinta na para sa inquest proceedings ng kanilang mga kaso sa Department of Justice kaugnay ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at paglabag sa Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012. — Joy Cantos
- Latest