21-anyos architecture stude ginahasa, pinatay!

Sa ulat ng MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) Police ang biktima ay kinilalang si Eden Joy Villacete ay natagpuang hubo’t hubad at tadtad ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan at nagsisimula nang maagnas.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang 21-anyos na babaeng architecture student makaraang gahasain at patayin ng ‘di pa kilalang salarin sa loob ng inuupahan nitong apartment sa San Jose Occidental Mindoro nitong Biyernes ng umaga.

Sa ulat ng MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) Police ang biktima ay kinilalang si Eden Joy Villacete ay natagpuang hubo’t hubad at tadtad ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan at nagsisimula nang maagnas.

Si Villacete ay isang incoming 5th year student sa Occidental Mindoro State College (OMSC) at residente ng Brgy. Poblacion, Calintaan ng lalawigan.

Ayon sa pulisya, ang bangkay ng biktima ay natagpuang sa loob ng kuwarto ng nirerentahan nitong apartment sa Brgy. 7 sa bayan ng San Jose.

Sa pahayag ng mga kapitbahay ng biktima, may masangsang na amoy na nagmumula sa nasabing apartment ng nasabing architecture student na ilang araw na umano nilang hindi nakikitang lumalabas sa kaniyang tinutuluyan.

Nang buksan ang apartment, dito na nadiskubre ang krimen at agad namang iprinoseso ng Scene of Crime Operations (SOCO) team ng pulisya ang crime scene.

Kaugnay nito, nag-alok na si Occidental Mindoro Gov. Eduardo Gadiano ng P100,000 reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikadarakip ng salarin.

Nagluluksa rin ang buong OMSC community sa pagkamatay ni Villacete at hangad nila ang hustisya sa sinapit ng biktima.  Ed Amoroso

Show comments