Pero may 299 rockfall events…
MANILA, Philippines — Sa nakalipas na 24 oras ay nananatiling kalmado ang Bulkang Mayon makaraang walang maitalang volcanic earthquake ang PHIVOLCS.
Sa kabila nito, naitala naman ang 299 rockfalls at walong dome-collapse pyroclastic density current (PDC) events sa “very slow” na lava effusion.
Bagama’t walang naitalang pagyanig, mas mataas ang bilang ng PDC events kumpara sa pitong PDC events na iniulat nitong Miyerkules, Hunyo 21.
Ayon sa PHIVOLCS, nagkaroon ng dalawang mabagal na pagdaloy ng lava mula sa bunganga ng bulkan partikular na sa Mi-isi gully na may habang 2.5 kilometro, at 1.8 kilometro naman sa Bonga gully.
Namataan naman na 3.3 kilometro mula sa crater ang lava collapse sa dalawang gullies.
Dagdag pa, nagkaroon din ng katamtamang pagbuga ng abo na umabot sa 750 metro ang taas.
Tumaas din sa 574 tons ang sulfur dioxide emission mula sa bulkan nitong Miyerkules, kumpara sa 507 tons nitong Martes.
Sa kasalukuyan ay nasa ilalim pa rin ng Alert Level 3 ang Bulkang Mayon.