Lagpak sa Nursing Board Exam, ‘di dapat bigyan ng pansamantalang lisensiya — PRC

MANILA, Philippines — Walang probisyon sa Philippine Nursing Act of 2002 na bigyan ng temporary licenses ang mga nursing gra­duates na bumagsak sa Nursing Licensure Examination.

Ito ang reaksyon ni Professional Regulation Commission (PRC) Commissioner Jose Cueto Jr. sa pahayag ni Health Secretary Ted Herbosa na planong kunin ang serbisyo ng mga unlicense nursing graduates para bigyan ng trabaho sa government hospitals.

Ayon kay Cueto, kailangan munang maamiyendahan ang Republic Act No. 9173 bago maisagawa ni Secretary Herbosa ang pag-hire sa mga unlicensed nursing graduates.

“Doon sa RA 9173, wala hong probisyon na nagbi­bigay ng kapangyarihan ang PRC, o any government agency, na magbigay ng temporary license sa mga nursing­ graduates na hindi pa nakapasa ng Nursing Licensure Examination,” sabi ni Cueto.

Nilinaw ni Cueto na kapag hindi napapalitan ang probisyon sa naturang batas ay hindi pwedeng gamitin ‘yung percentage na lower than 75 para ang mga unlicensed nursing graduates ay makapagtrabaho.

Unang sinabi ni Secretary Herbosa na bibigyan niya ng trabaho sa government hospitals ang mga nursing graduates na bumagsak sa Licensure Exam bastat may score na 70 hanggang 74 percent.

Show comments