MANILA, Philippines — Nagsampa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice ng mga kaso laban sa ilang malalaking kompanya na gumagamit ng mga pekeng resibo.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo “Jun” Lumagui, nasa P18 bilyon ang nalugi sa gobyerno mula sa tatlong kompanyang inireklamo.
Kabilang dito ang kumpanya na kilalang gumagawa ng mga sapatos at iba pang footwear, gayundin ang steel corporation at isang resources company.
Sinabi ni Lumagui na sabit rin sa reklamo ang accountants ng mga naturang kompanya.
Kumbinsido si Lumagui na sindikato ang nasa likod ng bentahan at bilihan ng mga pekeng resibo.
Naniniwala si Lumagui na ang may-ari ng mga kompanya ay nasa likod din ng paggawa ng fake receipts.
Tiniyak naman ni Lumagui na tuluy-tuloy ang paghabol ng BIR National Task Force – Run After Fake Transactions sa mga indibidwal at kompanyang lumalabag sa batas, at umiiwas sa pagbabayad ng tamang buwis.