MANILA, Philippines — “Bumuo ng komprehensibong pag-aaral sa rehabilitasyon at pagpapanatili ng mga marine habitats sa bansa upang matugunan ang mga ilegal, hindi naiulat, at unregulated fishing (IUUF).
Ito ang naging kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA) at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Binigyang-diin ni Marcos, na siya ring Kalihim ng DA, sa isang pulong ang pangangailangan ng Pilipinas na sumunod sa mga international commitments partikular sa European Union sa pagpigil sa IUUF.
Dahil dito, inatasan ang DA at ang BFAR na makipagtulungan sa Office of the Executive Secretary para gumawa ng mga kinakailangang hakbang para ipatupad ang Fisheries Administrative Order (FAO) No. 266, series of 2020, kung saan inaatasan ang mga commercial fishing vessels (CFVs) na mag-install ng mga vessel monitoring system (VMS).
Inatasan din ang DA at ang BFAR na pag-aralan ang pagtatatag ng Strategic Agriculture and Fisheries Development Zones (SAFDZ) upang mabigyan ang mga stakeholder ng pangisdaan ng lugar para sa sustainable fishing at repasuhin ang mga lisensya ng mga CFV na hindi sumusunod sa FAO No. 266, series ng 2020.