MANILA, Philippines — Handa nang talupan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda, Jr., ang mga nasa likod ng illegal operations o guerilla type E-sabong na idineklarang iligal ng pamahalaan.
Ayon kay Acorda, sisimulan na ng PNP-Anti Cybercrime Group ang cyber patrolling upang matukoy ang mga websites na ginagamit sa iligal na gawain ng mga e-sabong operators.
Ani Acorda, tatanggalin din ito sa mga online platforms at mobile applications upang hindi na magamit pa sa illegal activities.
Paliwanag ni Acorda, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Information Technology (DICT) upang matukoy ang online sites at pagtukoy sa lugar na ng E-sabong.
Sinabi ni Acorda na kadalasang ginagamit ng mga operators ang private farms at liblib na lugar para sa cockfighting games.
Aminado si Acorda na malaking hamon sa kanila ang lugar at sistema ng tayaan subalit tiwala siyang masasawata ang illegal cockfighting.
Paalala ni Acorda, nanatili ang one-strike policy sa mga chief of police sakaling mahulihan ng illegal gambling operations sa kanilang nasasakupan.