Taas-pasahe ng LRT-1 at 2, lalarga na sa Agosto
MANILA, Philippines — Inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) na nakatakda nang ipatupad ang taas-pasahe ng Light Rail Transit (LRT) Lines 1 at 2 sa darating na Agosto.
Ayon sa DOTr, ang collection date para sa new rates ay sa Agosto 2, 2023.
Ito ay 30-araw matapos na mailathala sa mga pahayagang may general circulation sa Hunyo 19 at 26, at Hulyo 3, 2023 ang gagawing pagtataas singil.
“We at the Department of Transportation (DOTr) believe that this fare adjustment will contribute to maintaining affordable mass transportation services for the two commuter-train lines,” ayon kay DOTr Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino.
Matatandaang una nang inaprubahan ng Rail Regulatory Unit (RRU) ng DOTr ang minimum boarding fee para sa mga naturang rail lines sa P13.29 mula sa P11, at per kilometer rate na P1.21 mula sa P1.00.
Ipinagpaliban naman ito bunsod ng nakabinbin na pag-aaral sa economic impact sa commuters.
Ang LRT-1 ay bumibiyahe mula sa Roosevelt, Quezon City hanggang sa Baclaran, Parañaque City.
Ang LRT-2 naman ang siyang nagdurugtong sa Recto Avenue, Manila hanggang sa Antipolo City.
Samantala, nakatakda na ring maghain ng petisyon para sa taas-pasahe ang operator ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Sinabi ni MRT-3 Officer-in-Charge Oscar Bongon na ihahain nilang muli ang petisyon para sa hike fares na P2.29, at distance fare na P0.21 kada kilometro, sa susunod na ikalawang linggo.
“In the next two weeks, mag-refile ang MRT-3. Thereafter, susundan natin ang proseso, until such time na mabigyan ng full approval ng Transportation] Secretary,” ani Bongon.
Matatandaang noong Enero ay naghain din ang MRT-3 ng kahalintulad na petisyon para makapagtaas ng pasahe.
- Latest