Passenger vessel tinupok ng apoy sa gitna ng karagatan
MANILA, Philippines — Isang passenger-cargo vessel ang nasunog habang nasa gitna ng karagatan sa Panglao, Bohol, kahapon ng umaga.
Agad na nagsagawa ng firefighting at rescue operations ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa MV Esperanza Star at nailigtas ang tinatayang 127 pasahero at tripulante.
Sa ulat ng PCG, umalis sa Port of Lazi sa Siguijor ang MV Esperanza Star at bumibiyahe patungo ng Port of Tagbilaran sa Bohol nang sumiklab ang apoy pagsapit sa Doljo Point, isang tanyag na tourist destination sa Panglao.
Dakong alas-10:00 ng umaga nang magdeklara ng fire out.Nanatili naman sa lugar ang BRP Cape San Agustin at BRP Malamawi hanggang alas-12:00 ng tanghali para subaybayan ang nasunog na sasakyang-pandagat.
Sa inisyal na imbestigasyon, isang tripulante ang nagsabi na nagmula ang apoy sa labas ng engine room. Patuloy pa rin naman ang masusing imbestigasyon sa insidente. — Doris Franche-Borja
- Latest