MANILA, Philippines — Nananawagan ang CitizenWatch Philippines sa mga opisyal ng transportasyon na alisin na ang limitasyon sa dami ng motorcycle (MC) taxis para matiyak na mabibigyan ng mura, ligtas, at maginhawang pagbibiyahe ang publikong Pilipino.
“Kapag inalis ng LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) ang limit sa numero ng MC taxis, mapagsisilbihan nito hindi lang ang interes ng milyun-milyong pasahero kundi pati na rin ang kabuhayan ng libo-libong kuwalipikadong riders at kanilang mga pamilya,” anang dating kongresista na si Atty. Kit Belmonte na siyang tumatayong co-convenor ng CitizenWatch.
Binigyang-diin ni Belmonte na dahil sa pangkabuuang kakulangan sa transportasyon (kabilang ang MC taxis), napipilitan tuloy ang mga pasahero na sumakay sa mga ilegal na habal-habal upang makauwi agad galing trabaho at hindi na pumila at makipagsiksikan pa sa mga dyip at bus. Dahil dito, aniya’y nalalagay sa panganib ang kaligtasan ng commuters at lalo silang napapamahal sa pamasahe.
Ang habal-habal ay isang uri ng transportasyon na wala pang regulasyon ng pamahalaan, walang accident insurance, kontratahan ang singilan kaya mahal, at kulang sa karanasan at training ang mga tsuper nito. Kaugnay nito, sinabi ni Belmonte na suportado ng kanilang grupo ang itinutulak ni Sen. Raffy Tulfo na gawing legal ang habal-habal at makatutulong aniya ang MC operators na mabigyan ng tamang training ang habal-habal riders.
“Gusto lang din naman kumita ng mga naghahabal-habal at nauunawaan natin sila. Dapat silang tulungan ng pamahalaan dahil sa paraang ito’y matutulungan din ang Pinoy commuters,” lahad ni Belmonte.
Sinasabi ng mga eksperto na ang pag-alis sa limit sa rami ng MC taxis ay makakahikayat na pumasok sa industriya ang iba pang players na siguradong magpapasigla sa negosyo at kompetisyon na magreresulta naman sa magandang serbisyo para sa mga pasahero.