Bodega ng paputok sa Bulacan, sumabog: 18 nasugatan
MANILA, Philippines — Nasugatan ang 18 katao matapos masunog ang kanilang mga bahay sanhi ng pagsabog ng isang bodega ng paputok sa Brgy. Bunducan, Bocaue, Bulacan, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, alas-2:16 ng madaling araw nang sumabog ang mga paputok sa bodega na pag-aari ng isang alyas Lita na dahilan para ito ay masunog.
Ang sunog ay kumalat sa ilang kabahayan habang ang iba ay nawasak sa lakas ng pagsabog ng paputok. Maliban sa mga bahay, nadamay din sa sunog ang ilang nakaparadang sasakyan sa lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon, bago nangyari ang sunog na umabot sa ikalawang alarma ay nakarinig muna ng isang malakas na pagsabog mula sa nasabing bodega ng paputok.
Kasalukuyan nang inaalam ng mga otoridad kung bakit mayroong malaking bilang ng mga paputok ang nakatago sa isa sa mga apektadong bahay.
- Latest