‘Wag mag-panic buying - DTI

Residents of Barangay Sta. Misericordia in Sto. Domingo, Albay evacuate their houses near the seven-kilometer danger zone from the Mayon Volcano on June 13, 2023.
Edd Gumban/The Philippine STAR

Sa mga residente ng Albay…

MANILA, Philippines —“Mayroong sapat na suplay ng mga pagkain sa probinsya at hindi dapat magpanic-buying.”

Ito ang siniguro kahapon ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo sa mga residente ng Albay  kasabay ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon, at pag­lalagay sa probinsya sa state of calamity dahilan para ipatupad ng DTI ang 60-day price freeze.

“Bago magkakaroon ng kalamidad, tinatawagan natin at ina-advise natin yung malalaking retailers to make sure na kumpleto ang supply nila so nagre-replenish po talaga sila sa lugar na may kalamidad para sigurado pong hindi maubusan so wala tayong pangamba, wala po tayong worry consumers natin kung mauubusan sila, so wala pong dahilan na mag-panic buying po sila,” pahayag ni Castelo kasabay ng Laging Handa Public Hearing.

Sinabi pa niya na ang price freeze ay iiral lamang sa mga lugar na sakop ng state of calamity kahit na nag-aalburoto rin ang iba pang bulkan gaya ng Taal at Kanlaon.

“Ang price freeze po is based on the declaration of a state of calamity ng isang lugar. So hanggang hindi sila mag-declare ng ganun, hindi magiging effective ang price freeze,” ani Castelo.

Sa kasalukuyan ay nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang babala ng Bulkang Mayon at posibleng umabot ng ilang buwan ang pag-aalburoto batay sa  obserbasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa mga nakalipas na taon.

Show comments