Higit 14K katao inilikas sa pag-aalburoto ng Mayon
Nasa 7 kilometer danger zone pinaghahanda na rin sa paglikas
MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mahigit 14,000 residente na ang inilikas dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay.
Sa huling situational report, sinabi ng ahensya na may kabuuang 14,360 indibidwal o 3,934 pamilya ang apektado.
Nasa 13,792 katao ang tumutuloy sa 22 evacuation centers habang nasa 584 katao o 156 pamilya ang naninirahan naman sa ibang lugar.
Sa bilang ng mga inilikas na pamilya, 883 ang mula sa Camalig, 57 mula sa Ligao, 615 ang mula sa Daraga, 1,046 ang mula sa Guinobatan, 899 ang mula sa Malilipot at 438 ang mula sa Tabaco.
Samantala, pinalawig kahapon ng Albay provincial government ang danger zone sa paligid ng Bulkang Mayon Volcano sa pitong kilometro dahil sa patuloy na pag-aalburoto.
Sa isang kalatas na nilagdaan ni Governor Edcel Greco Lagman, ay sinabi nito na ang lahat ng mga residente na sakop ng seven-kilometer extended danger zone ay inilagay sa “preparedness status”.
Ang ibig sabihin nito na anumang oras ay magsasagawa ng paglikas at ang lahat ng bakwit ay kailangang magdala ng kanilang pangangailangan sa evacuation center.
Ito ay upang masiguro ang zero casualties at para rin sa kaligtasan ng publiko.
- Latest