MANILA, Philippines — Umabot na sa 700,000 ang bilang ng mga driver’s license na kasalukuyang nakatengga sa Land Transportation Office (LTO).
Ito ang pag-amin ni Transportation Secretary Jaime Bautista na mas mataas ito ng kalahating milyon mula sa dating naitala noong Mayo ng taong ito na umabot sa 234,149 driver’s license.
“Ang backlog po nito, inabot na siguro sa mga 700,000 although ang ginawa po ng LTO, they extended the validity of licenses that became due starting April 24 until October 21,” pahayag ni Bautista sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee.
“But ang inisyu po ngayon dun sa mga driver na kumukuha ng license, initially an OR (original receipt) po,” dagdag na sagot ni Bautista matapos tanungin ni Senador Grace Poe, chair ng Senate services committee sa estado na driver’s license backlog sa LTO.
Giit naman ni Senador Francis Tolentino, “With the current figure….do we expect another 500,000 next month? Tuloy-tuloy na yan, one million na yan mahigit.”
Sagot naman ni Bautista, sa kasalukuyan ay inaayos ang procurement process at sa oras na ma-qualify ang lowest bidder, maaring makagawa ng 500,000 lisensiya pagsapit ng Hulyo.
Dismayado naman si Poe sa napakabagal na aksyon ni Bautista sa isyu ng natenggang driver’s license sa LTO.