Presyo ng isda posibleng tumaas
MANILA, Philippines — Dahil umano sa pagpupumilit ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ituloy ang implementasyon ng isa nilang administrative order ay posibleng tumaas ang presyo ng isda.
Ito ang naging babala ng Alliance of Philippine Fishing Federations Inc. (APFFI) sa food security ng Fisheries Administrative Order (FAO) No. 266 ng BFAR dahil nagpapahina umano ito sa lokal na produksiyon ng isda.
Ang APFFI ay binubuo ng iba’t ibang samahan ng commercial fishing sa buong bansa mula Luzon hanggang Mindanao na kinabibilangan ng Inter-Island and Deep Sea Fishing Association, Quezon-Marinduque Fishing Boat Operators and Fishermen’s Association, United Bicol Fishing Federation, Bisayas Alliance of Fisherfolk and Operators Reform Inc., SOPHIL Fishing Association Inc., at One Visayas Fish Network Inc.
Ginawa ng APFFI ang pahayag nito sa gitna ng pinangangambahang walang basehang pag-“red card” ng European Commission sa karagatan ng Pilipinas na maaaring makadagdag sa masamang epektong dulot ng FAO 266 sa kakulangan ng isda at iba pang yamang dagat sa mga pamilihan.
Hinihingi sa ilalim ng FAO 266, na inisyu ng BFAR noong 2020, ang paglalagay ng lahat ng commercial fishing operators ng Vessel Monitoring Measures (VMM) at Electronic Reporting System (ERS) upang mabatid ang lokasyon ng mga ito sa dagat at maitala ang huli ng mga ito.
Ibinunyag ng APFFI na humatol ang Malabon City Regional Trial Court noong Hunyo 2021 na walang bisa ang FAO 266 ng BFAR dahil ito’y unconstitutional.
Kamakailan lamang ay nagdesisyon din ang Palasyo na suspindehin ang implementasyon ng FAO 266 habang hinihintay ang pinal na resolusyon ng Korte Suprema hinggil sa constitutionality nito.
- Latest