‘Di sinadya ang sunog sa Manila Central Post Office – BFP
MANILA, Philippines — Lumabas sa resulta ng imbestigasyong isinagawa ng Bureau of Fire Protection na aksidente o hindi sinadya ang nangyaring sunog na tumupok sa Manila Central Post Office sa Lawton, Maynila noong Mayo 21 ng gabi.
Nabatid na ang sunog ay nagsimulang sumiklab mula sa isang baterya ng sasakyan na na-discharged at nag-init hanggang sa tuluyang sumabog at tumupok sa mga nakapaligid ditong combustible materials na nasa Mega Manila Storage Room.
Anang BFP, kabilang sa mga gamit na nakaimbak sa naturang silid ay mga office supplies, thinner, at pintura kaya’t itinuturing nila na sarado na ang imbestigasyon.
Sinabi naman ni PhilPost Postmaster General Luis Carlos na tinatanggap nila ang resulta ng imbestigasyon ng BFP at ngayon aniya ay magpopokus na lamang sila sa recovery at rehabilitasyon ng nasunog na makasaysayang gusali.
Inabot ng general alarm ang sunog bago tuluyang naapula matapos ang 30-oras na kung saan ay 18 katao na karamihan ay bumbero ang nasugatan at aabot sa P30 milyon ang halaga ng mga ari-ariang natupok.- Danilo Garcia
- Latest