104K katao nasalanta ng bagyong Betty - NDRRMC

The paper milling building of Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) collapsed in Sta. Ana, Cagayan due to the wind brought upon by Typhoon Betty on May 29, 2023.
Facebook / Cagayan Provincial Information Office

MANILA, Philippines — Nasa mahigit 104,000 katao na ang naapektuhan ng hagupit ng bagyong Betty, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nitong Sabado.

Ang bagyong Betty na naminsala partikular na sa bahagi ng hilagang Luzon ay lumisan na nitong Huwebes sa Philippine area of responsibility.

Nag-iwan ang bagyo ng isang patay mula sa Western Visayas habang isa naman ang nasugatan na taga-Cordillera.

Ang bagyong Betty ay nagdulot ng mga pag-ulan at pagbaha sa Batanes, Cagayan, Isabela at Ilocos Region at iba pang bahagi ng Luzon habang dumanas din ng mga pag-ulan ang bahagi ng Visayas Region.

Sa report ng NDRRMC, nasa 1,169 katao ang patuloy na kinakanlong sa mga evacuation centers habang 429 naman ang nasa labas ng evacuation centers.

Samantala, 24,355 katao naman ang naapektuhan ng bagyo sa Cagayan Valley,  sa Cordillera Administrative Region ay nasa 22, 017 katao habang 11,361 katao sa Central Luzon, 4,906 katao sa Ilocos Region at nasa 2,023 katao sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan).

Naitala naman sa P68,695.58 ang naging pinsala sa imprastraktura sa Cordillera Administrative Region .

Ayon pa sa NDRRMC, nasa 100 kabahayan ang nagtamo ng pinsala sa Region 1.

Nasa P11.02 milyon na rin ang naipamahaging relief goods at iba pang tulong ng pamahalaan sa mga naapektuhang residente sa Region 1, Region 2, Region 3, MIMAROPA, Region 6 at CAR.

Show comments