MANILA, Philippines — Habang nasa ilalim ng alert level 1, patuloy pa rin ang pag-aalboroto ng Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas.
Sa latest report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kahapon, ang bulkang Taal habang nasa ilalim ng Alert level 1 ay nakapagtala ng 2 volcanic tremors at may pagluwa ng asupre na may 5,831 tonelada at may naitalang upwelling ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater Lake ng bulkan.
Nakapagtala rin ang bulkan ng pagluwa ng puting usok na may taas na 1500 metrong taas na napadpad sa hilagang-silangan at silangan-hilagang silangan. Nakita rin ang maikling pamamaga ng hilagang kanlurang bahagi ng Taal at pangmatagalang pag-impis ng kalakhang Taal Caldera.
Bunga nito, pinapayuhan ang sinuman na huwag papasok sa Taal Volcano Island (TVI) laluna sa Main Crater at Daang Kastila fissures at bawal din ang pamamalagi sa lawa ng Taal.
Ipinagbabawal din ng Phivolcs ang paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan dulot ng posibleng biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall at pagbuga ng mga nakalalasong gas.