7 timbog sa P4.1 milyong puslit na yosi
MANILA, Philippines — Pitong suspek ang inaresto ng mga awtoridad matapos mahulihan ng aabot sa P4.1 milyon na halaga ng smuggled na sigarilyo sa Zamboanga City.
Ayon kay Col. Alexander Lorenzo, Zamboanga City Police Office director, kinilala ang mga inarestong suspek na sina Atara Sakilan Wahab, 60, motorboat skipper; Jester Ares, 22; Nabil Abdurasad, 50; Eldisen Ahalil, 29; Omar Mahmor, 24; Mhamor Baddon, 48; at Khay Atara, 19.
Aniya, naharang ang grupo kasama ng smuggled na kargamento bandang 9:30 ng gabi sa Manalipa, isang island village ng lungsod.
Nasaktuhan ng mga operatiba mula sa 2nd Zamboanga City Mobile Force Company (2ZCMFC) kasama ang Bureau of Customs (BOC) sa isang seaborne patrol, ang isang motorboat na may markang “Dickies.”
Napag-alaman na ang naturang motorboat lulan ang pitong crew ay naglalaman din ng 119 master cases ng assorted na mga sigarilyo at nagkakahalaga ng P4.1 milyon.
Bigo namang makapagpakita ng dokumento ng sigarilyo ang sakay ng motorboat na bibiyahe sana patungong Pagadian City, Zamboanga Del Sur mula Jolo, Sulu.
Dinala na sa 2ZCMFC headquarters ang mga naarestong suspek kasama ang kontrabando para sa inspeksyon, inventory at tamang disposisyon.
Ito na ang ikaapat na pagkumpiska sa mga smuggled na sigarilyo sa buwan ng Mayo. - John Unson
- Latest