30 minutong sunog sa Mandaluyong, 1 patay

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-3:00 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa Abella Compound, Nanirahan St., Brgy. Mabini J Rizal, Mandaluyong City.
STAR / File

MANILA, Philippines — Isa katao ang nasawi nang sumiklab ang sunog sa Mandaluyong City kahapon ng madaling araw.

Hindi pa naglalabas ng ulat ang mga otoridad hinggil sa pagkakakilanlan ng biktima.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-3:00 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa Abella Compound, Nanirahan St., Brgy. Mabini J Rizal, Mandaluyong City.

Nabatid na malaki na ang sunog nang magising ang mga residente sa lugar.

Nagawa namang makalabas ng may-ari ng bahay na si Gilbert Guilla, na natutulog sa ikalawang palapag ngunit wala siyang naisalbang mga gamit.

Nagsimula umano ang sunog sa ikatlong palapag kung saan nakatira ang pa­milya ng kaniyang kapatid.

Nagtagal lamang ng 30-minuto ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-3:49 ng madaling araw.

Sa isinagawang mopping operation na lamang natagpuan ang bangkay ng biktima habang nasa loob ng banyo ng bahay.

Show comments