MANILA, Philippines — Nakatakdang sibakin sa puwesto ang sinumang police chief na mabibigong ipatigil ang illegal gambling sa kanyang nasasakupan.
Ito ang naging babala ni Philippine National Police -Directorate for Operations Director Police Brig. Gen. Leo Francisco kasunod ng pagkakasibak sa Chief of Police (COP) ng Orion, Bataan kamakailan alinsunod sa “one-strike, no take” policy ni PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda Jr.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Francisco na sasapitin ng iba pang opisyal ang kapalaran ng sinibak na hepe kung hindi nila aaksyunan ang mga sumbong tungkol sa ilegal na pasugalan sa kanilang area of responsibility.
Sinabi ni Francisco na nagsasagawa ngayon ng validation ang Intelligence Group tungkol sa umano’y jueteng activities sa MIMAROPA, CALABARZON, Central Luzon, at iba pang rehiyon.
Nilinaw naman ni Francisco na hindi lang jueteng, kundi lahat ng uri ng ilegal na sugal tulad ng bookies, video karera, at iba pa, ang sakop ng “One strike, no take” policy.
Ang pinaigting na anti-gambling campaign ay ipinag-utos ng PNP Chief, alinsunod sa kasunduan nila ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Rex Robles na magtulungan laban sa lahat ng uri ng ilegal na sugal sa bansa.