MANILA, Philippines — Bagsak sa kalaboso ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo matapos mangholdap ng isang babaeng call center agent sa Central Avenue, Quezon City.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Christopher Decinilla at Ralph Bertulfo matapos na ireklamo nang panghoholdap ng 25-anyos na call center agent na hindi pinangalanan.
Sa ulat, noong umaga ng Mayo 27 ay pauwi na ang biktima at hinihintay ang kanyang mister sa Central Avenue, Quezon City, nang bigla siyang hintuan ng mga suspek, na magkaangkas sa motorsiklo at tinutukan ng patalim saka nagdeklara ng holdap.
Sapilitan umanong kinuha ng mga ito ang kaniyang cellphone at wallet na may lamang P3,000.
Nagsisigaw ang biktima at nakahingi ng tulong sa mga pulis kaya’t kaagad na nahuli ang backrider na si Decinilla habang nakatakas naman si Bertulfo.
Nakuha kay Decinilla ang ginamit na patalim habang nadakip si Bertulfo sa isinagawang follow-up operation sa Sarep St., Brgy. Batasan Hills, QC, alas-12:45 ng madaling araw kahapon.
Nakumpiska sa kaniya ang isang baril na kargado ng mga bala at ang isang motorsiklo, subalit hindi na nabawi ang cellphone at pera na ninakaw nila sa biktima. Dati na ring nakulong sa Caloocan si Bertulfo dahil sa robbery-holdup.
Mahaharap ang dalawa sa reklamong robbery habang may karagdagang reklamo kay Bertulfo na illegal possession of firearms at illegal possession of deadly weapons naman kay Decinilla.