Traffic enforcer itinumba ng sinitang rider

Ang traffic enforcer na si William Mentes Quiambao, na duguang nakahandusay sa tapat ng isang mall sa Tanza, Cavite matapos pagbabarilin ng sinitang lasing na rider. Ang biktima ay idineklarang dead on arrival sa ospital.
Tanza-PNP photo

MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang traffic enforcer matapos siyang pagbabarilin ng isa sa  sinitang dalawang lasing na sakay ng isang motorsiklo, kamakalawa ng hapon sa harap ng isang mall sa Barangay Daang Amaya, Tanza, Cavite.

Ang nasawi dahil sa tatlong tama ng mga bala sa ulo at katawan ay kinilalang si William Mentes Quiambao, traffic enforcer ng Tanza, at residente ng Barangay Tres Cruses.

Tumakas naman ang mga suspek na nakilalang sina Joseph Llagas, ng St. John Subdivision, Brgy. Biga Tanza at kasama nitong si Aries Carlos.

Batay sa ulat, bago naganap ang krimen, alas-5:50 ng hapon sa harap ng kilalang mall ay sinita ni Quiambao at mga kasamahan ang magkaangkas na suspek na walang helmet at pa­suray-suray pa ang pagmamaneho.

Ayon sa mga nakasaksi, nagkasagutan pa ang mga traffic enforcer at sa galit ng suspek ay tinangka pang sagasaan si Quiambao.

Bumaba sa motor ang mga suspek at agad na binunot ni Llagas ang baril sa bewang ni Carlos at dito na sunud-sunod na pinaputukan sa ulo si Quiambao.

Matapos nito ay mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo na may temporary plate number 0401-0364688 na inabandona sa Casanueva, Brgy. Biga, Tanza, Cavite.

Handang magbigay ng P100K pabuya ang Tanza LGU sa makapagtuturo sa mga suspek. — Ed Amoroso

Show comments