15-anyos na tiyuhin inaresto
MANILA, Philippines — Kung hindi pa umalingasaw ang masangsang na amoy ay hindi makikita ang nawawalang 4-anyos na batang lalaki sa Brgy. CAA, Las Piñas City, kamakalawa.
Sa ulat ng pulisya, noon pang Mayo 26 hinahanap ang biktima at natagpuan ang kanyang katawan sa loob ng washing machine sa kanilang bahay sa Bagong Lipunan St. kanto ng Calamansi St., ng nasabing barangay.
Itinuturing naman ng pulisya sa kaso ang 15-anyos na binatilyong tiyuhin ng biktima.
Ayon kay Police Col. Jaime Santos, hepe ng pulisya ng lungsod, ang nanay pa ng suspek ang nakadiskubre sa naaagnas na bangkay ng pamangkin, alas-9:20 ng umaga ng Mayo 28, 2023 dahil sa masamang amoy na nagmumula sa washing machine.
Batay sa salaysay ng ina ng suspek, nakarinig umano ito ng malakas na kalabog sa hagdan.
Sa takot umano ng suspek nang makitang hindi na kumikilos ang pamangkin ay kinuha niya ito at itinago sa loob ng washing machine.
Naniniwala naman ang pamilya ng biktima na hindi aksidente ang ikinamatay nito kundi napatay ng binatilyong tiyuhin.
Anila, nag-post sa kanyang social media account ang suspek at nagpahiwatig na napatay niya ang pamangkin.
Nabura na ang naturang social media post at ang suspek sa ngayon ay nasa pangangalaga muna ng social workers, habang hinihintay ang autopsy report sa mga labi ng biktima.