MANILA, Philippines — Sasampahan ng kasong kriminal at administratibo ang police officers na kasama sa video ng operasyon sa Maynila noong nakaraang taon kung saan P6.7 bilyong halaga ng shabu ang nasamsam.
“In 10 days malalaman ninyo kung ilang mga pulis na kasama sa video ang fifile-an natin ng kaso,” wika ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
Sinabi ni Abalos na lumikha siya ng isang task force na pangungunahan ni National Police Commission (NAPOLCOM) vice chairperson Alberto Bernardo para sa kasong ito.Si Abalos ang chairperson ng NAPOLCOM.
Nitong Abril 10 naman, iprinisinta ni Abalos sa media ang isang CCTV footage na nagpapakita na nakaposas si Mayo at malaunan ay pinalaya.
Makikita rin dito ang mga opisyal ng pulis na dumarating at umaalis sa establisimyento kung saan naroroon si Mayo.
Giit ni Abalos, mayroong “massive cover-up” na naganap sa naturang operasyon.
Matatandaang sinibak sa hanay ng Philippine National Police si Police Staff Sgt. Rodolfo Mayo Jr., matapos masamsam ng mga otoridad ang nasa 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa loob ng isang lending firm sa Maynila na pag-aari nito.
Ayon kay PNP Spokesperson P/Col. Jean Fajardo, tinanggal si Mayo sa serbisyo matapos aprubahan ni PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr. ang rekomendasyon ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) na alisin ang tiwaling pulis matapos mapatunayang guilty sa kasong Grave Misconduct at Unbecoming of an officer.
Dahil dito, hindi na maaaring maluklok sa anumang posisyon sa gobyerno si Mayo at wala nang makukuhang benepisyo mula sa pamahalaan.