50 mag-aaral nalason sa ‘saging con tawas’

Stock image of hospital beds.
Image by Silas Camargo Silão from Pixabay

Napagkamalang asukal

MANILA, Philippines — Halos 50 batang mag-aaral sa isang public elementary school sa Mlang, North Cotabato ang isinugod sa ospital matapos malason sa  kinaing pritong saging na nalagyan ng “tawas,” nitong Miyerkules.

Kinumpirma ni Dr. Glecerio Sotea, muni­cipal health officer ng Mlang, ang pangyayari na, ayon sa kanya ay talagang aksi­dente lang batay sa kanilang ginawang pagsisiyat gamit ang mga imaheng kuha ng mga security cameras sa paligid ng campus ng Palma Perez Elementary School.

Unang sumakit ang ulo ng mga bata bago nag­si­mulang magsuka at suma­kit ang mga tiyan. Ayon kay Sotea, napagkamalang asukal ang nagiling na tawas na nailagay ng gumawa ng “pinaypay” o tradisyonal na pritong hiniwa-hiwang saging na saba o cardava na may asukal at harina na ibinebenta naman sa mga estudyante.Ang naturang tawas na aksidenteng napagkalamang asukal ay para umano i-repack sana upang maibenta ng tingi-tingi, ayon sa mga lokal na kinauukulan na nag-imbestiga sa insidente.

Ang tawas o Alum, ay nagtataglay ng magkahalong hydrated potassium aluminum sulfate, ammonium aluminum sulfate, at sodium aluminum sulfate na karaniwang ginagamit na deodorant, gamot sa mga singaw sa labi o sa bibig, at pampaputi ng kutis.

Show comments