MANILA, Philippines — Inaasahang magkakaroon ng dagdag-bawas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa sa susunod na linggo.
Ayon sa ilang oil industry players, maaaring magkaroon ng pagtaas ang presyo kada litro ng gasolina at diesel habang bababa naman ang presyo ng kerosina.
Sa kanilang pagtaya, maaaring umabot ng mula P0.60 hanggang P0.90 ang dagdag sa presyo kada litro ng gasolina.
Ang presyo naman ng diesel ay maaaring tumaas din ng P0.40 hanggang P0.70 kada litro.
Samantala, maaari namang hindi gumalaw o magkaroon ng hanggang P0.20 kada litro na kaltas sa presyo ng kerosene.
Anang mga industry experts, ang pagtaas ng demand sa langis ang ilan sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo nito.
Ang pinal na adjustment sa presyo ng petroleum products ay iniaanunsiyo ng mga kumpanya ng langis tuwing araw ng Lunes at ipatutupad naman kinabukasan, araw ng Martes.