MANILA, Philippines — Nilinaw ni dating Pangulo at ngayo’y 2nd District Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na wala siyang planong magkudeta laban kay House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y mga alingasngas at report na nagplaplano ito at kaniyang mga kaalyado sa Kamara na patalsikin at palitan ito sa puwesto.
Sa isang press statement na ipinalabas ni Macapagal Arroyo, alas-11:00 ng gabi, sinabi nito na pawang mga alegasyon lamang ang sinasabing planong coup de etat laban kay Romualdez at sa katunayan aniya ay suportado niya ang liderato nito.
Noong Miyerkules ng gabi ay tinanggal sa posisyon si Macapagal Arroyo bilang Senior Deputy Speaker at ibinaba ito sa puwesto bilang Deputy Speaker.
Ang dating posisyon nito ay napunta naman sa kaniyang cabalen na si 3rd District Pampanga Rep. Aurelio “Dong “ Gonzales.
Inamin naman ni Macapagal Arroyo na noong maluklok sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong’’ Marcos Jr. bilang ika-17 Pangulo ng bansa ay nais sana niyang maging Speaker sa Kamara pero mas makabubuting si Romualdez na ang humawak ng liderato dahilan sa magandang relasyon nito sa punong ehekutibo na kaniyang pinsan.
Ayon kay Macapagal Arroyo, maaring umusbong ang hinala sa kumalat na balita sa katatapos niyang pagbiyahe kasama ang mga delegasyon ng Kongresista patungong Korea para dumalo sa isang opisyal na pagpupulong doon.
Idinagdag pa nito na ang maging Speaker muli ng Kamara ay hindi na bahagi ng kaniyang pulitikal na hangarin.
Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nagsasalita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng komento sa isyu ng liderato sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa gitna ng umugong na balitang kudeta.
“I won’t make any comments about the speakership, as of yet,” ayon kay Pangulong Marcos sa idinaos na League of Provinces of the Philippines 4th General Assembly sa Pampanga matapos ipakilala si Romualdez. - Malou Escudero