MANILA, Philippines — Tatlong katao ang nasawi kabilang ang isang mag-ama makaraang mabagsakan ang kanilang mga bahay ng isang puno ng Balete sa may Estero de Magdalena sa Binondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Edcel Landsiola, 42; at ang mag-amang sina Jomar Portillo, 28, at John Mark, 2-taong gulang na magkayakap pa nang matagpuan.
Wala nang buhay si John Mark nang marekober ng rescue team, habang nasawi naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang kanyang ama na si Jomar at si Landsiola.
Samantala, sugatan naman sa insidente sina Katelyn Caparangan, 13; ang kanyang amang si Reynaldo Caparangan; Alvin Portillo 32; Gecalyn Villorigo, 22; at isang ‘di pa kilalang biktima.
Sa ulat ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), nangyari ang insidente, alas-12:30 ng madaling araw sa nasabing estero malapit sa kanto ng Recto Avenue at Reina Regente St., Binondo.
Nasa kahimbingan ng pagtulog ang marami sa mga residente nang isang malakas na tunog ang kanilang marinig.
Akala ng iba ay bumagsak ang katabing gusali sa kanilang lugar ngunit ang malaking puno ng Balete ang bumagsak.
Nabagsakan ng puno ang mga bahay na pawang gawa sa light materials at nadaganan ang isang pader na nabiyak dahil sa bigat ng kahoy.
Mabilis namang rumesponde ang mga rescuers nang matanggap ang ulat at dakong alas-7:33 ng umaga nang mailabas ang lahat ng biktima.