Biyuda ni Degamo handa sa pagbaliktad ng suspect - witness
MANILA, Philippines — Handa umano si Pamplona, Negros Oriental Mayor Janice Degamo sa posibilidad na pagbaliktad o pagbawi ng salaysay ng suspect-witness sa pagpatay sa kanyang asawang si Negros Oriental Governor Roel Degamo.
“Even from the start, I was also already informed by my lawyers that that is something we should also expect. Parang it didn’t come unexpected, ‘yung recantation.”
“From their experience, it has really become part of a legal process, ‘pag nasa gitna na tayo, papunta na tayo sa pag-file ng kaso kay Congressman Teves,” dagdag pa niya, na tumutukoy kay suspended Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr., hinihinalang mastermind sa Degamo slay.
Nitong Lunes ay sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang paghahain ng murder complaints laban kay Teves ay naudlot dahil anim sa pitong suspects-turned-witnesses ay ayaw nang makipagtulungan, batay na rin sa abiso ng kanilang mga abogado.
Bagama’t wala pa namang bumabaliktad o nagbabawi ng kanilang pahayag, sinabi ni Remulla na posibleng mangyari ito.
Sinegundahan ito ni Degamo at sinabing handa siya sa worst case scenario.
Ani Remulla, 10 murder complaints ang ihahain laban kay Teves dahil 10 katao ang namatay sa insidente. Maliban pa rito, ilang reklamo rin ng multiple frustrated murders at multiple attempted murders ang ihahain.
Sa ngayon ay nasa 10 suspek ang nag-uugnay kay Teves bilang siyang pumatay sa gobernador.
Para naman kay Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Teves, ang recantations o pagbawi ng pahayag bago ihain ang kaso ay makakaapekto sa prosekusyon.
- Latest