MANILA, Philippines — Kasunod ng rekomendasyon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na patatagin ang presyo at palakasin ang stock ng bansa ay inaprubahan kahapon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang karagdagang importasyon ng asukal.
Sinabi ni Marcos na pumayag sila sa karagdagang pag-aangkat ng asukal upang patatagin ang presyo pero hindi ito dapat lumampas ang aangkatin sa 150,000 metriko tonelada.
Sinabi ni Marcos na ang eksaktong halaga ay matutukoy kapag natukoy na ang eksaktong halaga ng supply, na darating sa katapusan ng buwan.
Dagdag pa niya, binubuksan ng gobyerno ang pag-aangkat ng asukal sa lahat ng mga mangangalakal.
Ayon sa forecast ng imbentaryo ng SRA, ang bansa ay magkakaroon ng negatibong ending stock na 552,835 MT sa pagtatapos ng Agosto 2023, sa pagtatapos ng milling season, at pag-aangkat ng isa pang 100,000 MT hanggang 150,000 MT ng asukal na kinakailangan upang maiwasan ang kakulangan.
Sinabi ng SRA na noong Mayo 7, 2023, ang bansa ay may sapat na suplay ng raw sugar na may panimulang stock na 160,000MT.
Gayunpaman, kakailanganin pa rin ng bansa na mag-import ng karagdagang 100,000 hanggang 150,000 MT ng asukal sa taong ito dahil ang inaasahang lokal na produksyon na 2.4MMT at ang 440,000 MT ay pinapayagang ma-import sa ilalim ng SO No. 6, s. 2022-2023 gayundin ang 64,050 MT sa ilalim ng mekanismo ng Minimum Access Volume (MAV) ay hindi makakasagot sa 3.1MMT demand.