1 milyong pamilyang Pinoy makikinabang sa pagpapalawig ng “Real Estate Tax Amnesty”
MANILA, Philippines — Tinatayang mahigit 920,000 o halos isang milyong pamilyang Pilipino ang makikinabang sa House Bill 7909 na magpapahaba ng dalawang taon uli sa umiiral na “Estate Tax Amnesty” na akda ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda.
Pinasalamatan ni Salceda ang pamunuan ng Kamara sa suporta nito, at sa mabilis na pagpasa ng Kapulungan nitong nakaraang Mayo 11 sa nasabing panukalang batas o ang amnestiya sa pagbabayad ng Estate tax o buwis sa mga ari-arian, kasama ang ipinamamanang lupain at bahay, hanggang Hunyo 14, 2025 mula sa nakatakda nitong hangganan sa Hunyo 14 ngayong taon.
Ipinaliwanag ni Salceda kapag naging batas ang HB 7909, pangalawang pagpapalawig na ito sa “estate tax amnesty.” Itinalaga sa ilalim ng RA 11213 mula 2019 hanggang Hunyo 14, 2021, at unang pinalawig ng dalawang taon o hanggang Hunyo 14, 2023 sa ilalim ng RA 11569 na likha ng nakaraang Kongreso.
Ayon sa mambabatas, ang hindi naisasaayos na buwis sa mga ari-arian ang malimit maging dahilan ng hindi paggamit nito sa maraming taon, kaya nang unang naisabatas ang Estate Tax Amnesty at pinalawig ito, 133,860 Pilipino ang gumamit nito mula 2019 hanggang 2023 na nagbunga naman ng P7.4 bilyong koleksiyong buwis.
Ipinaliwanag din niya na karaniwan ay nakakaligtaan ang pagsasaayos ng buwis sa mga ari-arian dahil inuuna muna ng mga Pinoy ang mga bayarin kaugnay sa ospital at libing kapag mayroong namamatay sa pamilya.
- Latest