Kakapusan sa suplay ng sibuyas, nagbabadya!

Gayunman, sinabi ni BPI spokesperson Jose Diego Roxas na ang projection na ito ay maaari namang magbago.
Pixabay

Importasyon muli, giit ng BPI

MANILA, Philippines — Muli na namang nagbabadya ang kakapusan ng sibuyas sa bansa matapos na aabutin na lamang hanggang sa Nobyembre ang suplay ng pulang sibuyas at hanggang Setyembre, 2023 naman sa puting sibuyas, ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI) kahapon.

Gayunman, sinabi ni BPI spokesperson Jose Diego Roxas na ang projection na ito ay maaari namang magbago.

Sa kabila nito, giniit ni Roxas na kailangan ang importasyon ng sibuyas kung nangangailangan ang bansa ng dagdag na suplay para punan ang “demand” ng produkto at tuloy hindi tumaas ang presyo nito sa merkado.

“Possible naman mabago ang pagtaya... Kung mag-i-import man, augmentative lang. Pandagdag lang sa kakulangan o pampuno sa kakulangan... Para mag-stabilize ‘yung presyo pati ang supply,”sabi ni Roxas.

Niliwanag naman ni Roxas na sa ngayon ay wala pang plano ang pamahalaan na mag- import dahil hindi pa ito napapagdesisyunan.

Una rito, sinabi ng ilang grupong magsasaka na aa­butin na lamang ang suplay ng puting sibuyas sa Hulyo kung kaya’t kailangan ang importasyon para punan ang inaasahang pangangaila­ngan sa dagdag na suplay.

Sa ngayon ang lokal na puting sibuyas at pulang sibuyas ay naibebenta sa pagitan ng P180 hanggang P200 kada kilo. Ang kasalukuyang farm gate ng sibuyas ay P120 kada kilo.

Ayon kay Roxas, ang inimportang sibuyas noong Enero ay naubos na sa ngayon.

Nakikipag-ugnayan na aniya ang Department of Agriculture sa mga stakeholders para rito.

Show comments