MANILA, Philippines — Isinugod sa pagamutan ang nasa 50 mag-aaral sa elementarya sa bayan ng Upi sa Maguindanao del Norte nang makalanghap ng pesticide na dala ng hangin mula sa mga sakahan sa kapaligiran, kamakalawa.
Kinumpirma ng mga barangay leaders at mga matataas na municipal officials ang pagkakalason ng mga mag-aaral ng Mirab Elementary School sa Brgy. Mirab sa Upi na agad namang na-rescue at isinugod sa Datu Blah Sinsuat District Hospital ng mga emergency responders ng kanilang local government unit at ng pulisya.
Naniniwala ang mga kawani ng Upi Municipal Health Office at mga kasapi ng Upi Municipal Police Station na nakalanghap ng pesticide ang mga biktimang mag-aaral na dala ng hangin mula sa mga sakahan sa paligid ng kanilang campus kung saan may mga nakitang mga magsasakang gumagamit ng sprayers na pamuksa ng mga pesteng sumisira sa kanilang mga pananim na mga gulay at mais bago naganap ang insidente.
Unang sumakit ang ulo ng mga biktimang grade school pupils bago nagreklamo ng pagkakahilo sa kani-kanilang mga guro.