Parak na itatalaga sa PDEG, i-background check!

Utos ni Acorda
MANILA, Philippines — “Kailangan munang sumailalim sa background check ang sinumang pulis na itatalaga sa Philippine Drug Enforcement Group (PDEG)”.
Ito ang naging kautusan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda, Jr., bunsod na rin ng pagkakasangkot ng nasa 40 police personnel sa kontrobersiyal na 990 kilos na nakuha mula sa kompanya ni MSgt. Rodolfo Mayo, Jr. noong Oktubre 2022 na kung saan sangkot ang 40 pulis sa umano’y recycling, nakawan at drug protection.
Ayon kay Acorda, dapat na matiyak na na background check ang mga pulis na itatalaga at magsasagawa ng anti-illegal drug campaign upang maiwasan ang kahalintulad na insidente ng P6.7 bilyon drug haul sa bansa.
“The anti-illegal drug campaign shall be done by ensuring proper vetting of PDEG and Drug Enforcement Unit personnel to make sure that only those who have successfully undergone an honest vetting process will be assigned with anti-illegal drug units,” ani Acorda.
Bilang dating hepe ng PNP Directorate for Intelligence, nais ni Acorda na gamitin ng kanyang mga pulis ang kanilang impormasyon na ang bagong anti-narcotics personnel ng PNP ay walang bad record at tapat sa tungkulin.
Ang background check o vetting process ay isasagawa mula PDEG hanggang station level ng drug enforcement units.
Dagdag pa ni Acorda na kailangan na hindi na makabalik sa PDEG ang sinumang pulis na may derogatory record o koneksiyon sa sinibak na si Mayo.
Batay sa record, itinapon na sa Mindanao si Mayo, subalit naibalik sa PDEG bilang Intelligence officer sa Metro Manila noong 2016.
- Latest