SWS: 51% ng pamilyang Pinoy kinukonsiderang mahirap sila
MANILA, Philippines — Kinukonsidera ng nasa 51% pamilyang Pinoy ang kanilang mga sarili bilang mahirap batay sa resulta ng pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS).
Mula sa 1,200 Filipino adults na isinali sa survey na isinagawa mula Marso 26 hanggang 29, nasa 51% ang nagsabing sila ay mahirap.
Nasa 31% naman ang nagsabi na sila ay borderline poor, habang 19% ang nagsabi na sila ay hindi mahirap.
Anang SWS, ang estimated na bilang ng self-rated poor families ay nasa 14 milyon noong Marso 2023, o pagtaas mula sa 12.9 milyon noong Disyembre 2022.
Sinabi pa ng SWS na mas maraming Pinoy sa Metro Manila at sa Visayas ang nagsabing sila ay mahirap noong Marso.
Nananatili namang statistically steady ang mga borderline poor sa Metro Manila mula sa 29% hanggang 26%.
Sa Balance Luzon naman ay nasa 30% hanggang 32% ito at sa Mindanao ay mula 30% hanggang 33%. Gayunman, bumaba ito sa Visayas ng mula 34% hanggang 26%.
Tumaas naman ang bilang ng mga pamilyang ikinukonsidera ang kanilang sarili na hindi mahirap, sa Balance Luzon ng mula 20% hanggang 25%, ngunit bumaba ito sa Metro Manila ng mula 39% hanggang 33% at sa Mindanao ng mula 11% hanggang 6%. Habang sa Visayas ay nananatili ito sa 9%.
Lumitaw rin naman sa survey na mula sa mga pamilyang nagsabing sila ay mahirap, 6.5% ang dating hindi mahirap noong nakalipas na 1-4 taon. Sila ay ikinukonsidera namang ‘newly poor.’
Nasa 6.7% naman ang non-poor o hindi mahirap, may lima o higit pang taon ang nakakaraan o “usually poor”, habang 37.9% ang ikinukonsiderang “always poor.” - Angie dela Cruz
- Latest