Rumespondeng pulis sa away-trapiko tinodas ng Airforce
MANILA, Philippines — Isang aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang nasawi matapos barilin ng isang Airforce reservist nang magresponde sa naganap na road rage sa Sitio Bagong Pook, Brgy. Bukal Sur, Candelaria, Quezon, kamakalawa.
Namatay habang ginagamot sa tama ng bala sa katawan sa Peter Paul Hospital ang biktima na si PCpl. Reniel Marin, nakatalaga sa Candelaria PNP samantalang tinutugis na ang suspek na si Efren Azul.
Sa imbestigasyon, alas-11:30 ng tanghali ay muntik nang magbanggaan sa makipot na barangay road ang magkasalubong na tricycle nina Morfie Azul at Teodolo Rustia.
Sa gitna umano ng diskusyon ay bumunot ng baril si Rustia at dalawang beses binaril sa katawan si Azul na mabilis na naisugod sa ospital habang tumakas naman ang una dala ang baril.
Nang makarating sa mga otoridad na kinabibilangan ni Cpl.Marin at dalawang iba pa ang insidente ay tinungo nila ang bahay ni Rustia upang magsagawa ng imbestigasyon ay dumating naman ang kapatid ni Azul na Airforce reservist at nagpaputok ng baril na tumama ang ilang bala kay Marin at sa 12-anyos na babae na anak ni Rustia.
Ayon sa ulat, inakala ng suspek na ang tatlong pulis ay sangkot sa pamamaril sa kanyang kapatid. — Ed Amoroso, Doris Franche-Borja
- Latest