MANILA, Philippines — Maximum tolerance ipatutupad Nasa 18,000 pulis ang ipakakalat sa pagdaraos ng Labor Day sa bansa upang matiyak ang seguridad ng publiko lalo na sa mga istratehikong lugar sa Metro Manila na pagdarausan ng ikinakasang kilos protesta bukas, Mayo 1.
“We will exercise maximum tolerance at ‘yung ating paramount consideration, ‘yung respect for human rights, and freedom of expression and speech,” pahayag ni PNP Spokesperson P/Col. Jean Fajardo alinsunod sa direktiba ni PNP Chief P/Gen. Benjamin Acorda Jr. kung saan nakapokus ang deployment sa National Capital Region (NCR) na sentro ng kilos-protesta.
“More or less ay magdedeploy tayo ng mga 18,000 policemen nationwide na ‘yan at kasama sa mga babantayan natin ay ‘yung mga designated freedom parks kung saan pupuwede sila magsagawa ng kanilang mga rally and other activities related to Labor Day celebration at siyempre ‘yung ating major thoroughfares,” pahayag ni Fajardo.
Ayon pa kay Fajardo, nakatutok ang deployment ng mga pulis sa mga “freedom parks”, mga lugar na pagdarausan ng kilos protesta at iba mga matataong lugar tulad ng mga transport hubs bilang seguridad sa mga bibiyahe sa iba’tibang lugar dahil sa long weekend.
Sinabi naman ni Julius Cainglet, vice president for Research, Advocacy and Partnership ng Federation of Free Workers (FFW), ang kanilang grupo ay makikiisa sa libu-libong demonstrador na magsasagawa ng kilos protesta sa Labor Day upang ipanawagan ang dagdag sahod, karagdagang trabaho at ang karapatan ng mga manggagawa.
Una rito, humihirit ng P150-P170 dagdag sa minimum wage ang mga grupong manggagawa na ayon sa kanila ay ibinase sa kasalukuyang pamumuhay.
Ayon naman kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/Major General Edgar Alan Okubo, nasa 10,529 pulis ang kanilang ide-deploy para sa Civil Disturbance Management ng NCRPO, anti-criminality interventions, counter-terrorism efforts, traffic management, emergency response teams, at iba pang kaugnay sa security measures sa Metro Manila. Kabilang na rito ang mahigit 1,000 Reactionary Standby Support Force (RSSF) mula sa Regional Headquarters.