MANILA, Philippines — Nilamon ng apoy ang nasa 600 stalls sa Pritil Market, sa Juan Luna at Tayuman Sts., sa Tondo, Maynila, nitong Biyernes ng gabi na tumagal hanggang madaling araw ng Sabado.
Dakong alas-10:43 ng gabi nitong Abril 28 nang itaas sa unang alarma ang sunog na umakyat pa hanggang sa ikaapat na alarma pagsapit ng alas-11:14 ng gabi.
Sa inisyal na ulat ng Manila Fire District, nagsimula sa ground floor ng meat section ng nasabing pamilihan ang apoy nqa hinihinalang dahil sa liquified petroleum gas (LPG) tank.
Dahil umano sa tambak na mga flammable materials ang palengke, kaya tumagal bago naapula ang apoy, ayon kay Fire Senior Inspector Alejandro Ramos, hepe ng Intelligence and Investigation Section.
Nabatid na bago mag-alas-4:00 ng madaling araw ng Abril 29 na idineklarang fire under control at alas-7:48 ng umaga ganap na naideklarang fire-out.
Samantala, dakong alas-9:30 ng umaga naman nang sumiklab ang isa pang sunog sa bahagi ng Binondo, Maynila kung saan naapektuhan ang Mang Inasal KP Tower Branch sa may CM Recto corner Juan Luna, Binondo.
Sa sketchy report ng Manila Police District -Police Station 11, umabot lamang sa unang alarma at idineklarang fire-out alas-10:17 ng umaga. Walang iniulat na nasaktan o nasawi sa dalawang sunog.