MANILA, Philippines — Apat na holdaper na mga lalaki ang napatay ng mga pulis sa isang engkwentro nitong Huwebes ng gabi sa bayan ng Mlang, North Cotabato ilang minuto lang kasunod ng kanilang ginawang pagholdap sa karatig na bayan sa naturan ding probinsya.
Kinumpirma kahapon ni Lt. Col. Realan Mamon, hepe ng Mlang municipal police, ang pagkasawi ng apat na suspek sa palitan ng putok sa mga pulis na nagtangkang pigilin sila sa bahagi ng highway sa isang barangay sa Mlang habang patakas sakay ng dalawang motorsiklo.
“Una silang nangholdap sa Matalam at patakas na sana nang masabat ng aking mga tauhan. Tinangka silang pigilin ngunit naglabas ng mga baril at nagpaputok kaya nagkaengkwentro na nagsanhi sa kanilang kamatayan,” pahayag ni Mamon.
Ayon kay Mamon, inaalam pa ng kanilang mga imbestigador ang tunay na pagkakakilanlan ng apat na nasawing mga holdaper.
Ang bayan ng Matalam sa Cotabato ay di kalayuan sa Mlang, lugar ng magkahalong mga Muslim at mga Kristiyano na karamihan ay pagsasaka ng mais at palay ang ikinabubuhay.