MANILA, Philippines — Matapos ang dalawang linggo ay inihayag ni Armed Forces chief General Andres Centino na tapos na ang 2023 Balikatan Exercise sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
“As the chief of staff AFP, I now declare the Balikatan Exercise 38-2023 closed,” ani Centino.
Ayon kay Centino, ang 2023 Balikatan ang pinaka-joint military exercise na sinalihan ng 17,600 participants na kinabibilangan ng 12,200 US troops at 5,400 mga sundalo ng Pilipinas.
Paliwanag ni Centino, layon ng joint exercises na pag-ibayuhin ang pakikipagsabayan at kapasidad ng US at Pilipinas.
Kabilang sa isinagawang pagsasanay ay ang Command Post Exercise, Cyber Defense Exercise, Field Training Exercise, at Humanitarian Civic Assistance (HCA).
Bagama’t nagkaroon ng konting problema ay sinabi ni Centino na agad namang naresolba upang hindi makaantala sa pagsasanay.
Dumalo rin sa pagtatapos ng joint military exercises sina Philippine exercise director Major General Marvin Licudine, US exercise director US Marine Corps ForcesPacific commander Lieutenant General William Jurney, Defense secretary Carlito Galvez Jr. at US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson.