Quota System sa PNP sa drug war, nabuking
MANILA, Philippines — Ang umiiral umanong quota system sa Philippine National Police (PNP) ang posibleng dahilan nang pagkasangkot ng mga pulis sa panghuhuli ng mga maling suspect, paglabag sa Standard Operating Procedures (SOP) at code of ethics kaugnay ng giyera kontra droga.
Ito ang inilahad ni 1 Rider’s Partylist Rep.Bonifacio Bosita na siya marahil umanong dahilan kung bakit nakakagawa ng kamalian ang mga pulis sa isinasagawang drug operations dahilan sa ‘quota system’ na kailangan ang mga itong magprodyus ng resulta kada linggo.
Sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety na pinamumunuan ni Lone District Sta Rosa City, Laguna Rep. Dan Fernandez, sinabi ni Bosita na isang dating pulis sa palagay niya ang nasabing quota system ang nagtulak sa mga operatiba ng Antipolo City Police na gumamit ng dahas sa pag-aresto sa mga pinaghihinalaang drug dealers.
“Based on my personal experience, ang nagtutulak kasi dito, in fairness dito sa ating mga kapatid na police personnel, eh naniniwala ako, itong mga eto ay sumusunod lang, meron kasi Mr. Chair na quota eh during my (time), naranasan ko po ‘yan,” ayon kay Bosita dahilan sumuko lamang ang 20-21 mga drug suspect sa lugar na kaniyang naging hurisdiksyon kung saan iba aniya ang inaasahan ng kaniyang superior.
Ang imbestigasyon ng komite ni Fernandez ay base naman sa inihaing House Resolution (HR) 776 ni 2nd District Antipolo City Rep. Romeo Acop matapos na dumulog at humingi ng tulong sa kaniya noong Marso 22 ang pamilya ng mga biktima.
Ginisa naman ng komite ang mga opisyal ng Antipolo City Police Station sa umano’y pagdukot kay Ma. Victoria Perito, na inaresto noong Oktubre 13, 2022 matapos na sunduin sa eskuwelahan ang kaniyang anak.
Base sa testimonya ni Perito sa komite, inaresto umano siya ng mga pulis malapit sa isang barber shop sa Brgy. San Roque, Antipolo matapos siyang mapag-utusan na iabot ang isang sobre sa isang tao sa lugar.
Ayon kay Perito, siya at ang kaniyang anak ay isinakay ng mga pulis sa isang Sports Utility Vehicle (SUV) na sa loob ng dalawang oras ay nagpaikut-ikot lamang sila habang pinaamin na nagtutulak ng droga kung saan pinagsasampal pa siya.
Kinuwestiyon naman ni 2nd District Surigao del Norte Rep. Robert Barbers si P/Major Juan Carlo Porciuncula, team leader ng operasyon at sinabi nito, alas-10:45 ng gabi umano nasakote si Victoria pero sa CCTV footage na napasakamay ng komite ay malinaw na alas-6:33 ng gabi.
Inihayag ni Barbers ang posibilidad na ipa-contempt ang naturang mga pulis dahilan sa pagsisinungaling sa komite.
- Latest