4 OFW patay, 4 sugatan sa Taiwan fire

MANILA, Philippines — Apat na Pilipino ang nasawi habang apat ang nasugatan sa naganap na sunog sa isang food factory sa Taiwan.

Kinilala ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) chair Silvestre Bello III ang mga nasawi na sina Renato Larua, 30, ng Cavite; Nancy Revilla ng Marinduque; Aroma Miranda ng Tarlac; at Maricris Fernando ng La Union.

Habang apat ang  nasugatan na kinilalang sina Shiela May Abas, ng Negros Occidental; Jesie Boy Samson; Rodel Uttao; at Santiago Suba Jr. na nasa maayos nang kalagayan.

Idinagdag ni Bello na ang mga biktima ay hindi kaagad nakalabas ng kanilang kuwarto kaya ang smoke inhalation ang sanhi ng kanilang kamatayan.

Lumalabas sa imbes­tigasyon na, alas-6:45 ng umaga nitong Martes nang mangyari ang sunog sa kilalang food giant na Lian-Hwa Foods Corp. na matatagpuan sa Sihai Road sa Changhua County, Central part ng Taiwan.

Base pa sa ulat, inakala ng mga empleyado ng pabrika na magiging ligtas sila kung magtatago sila sa cold storage ng factory sa ikalimang palapag, subalit dahil ang pintuan nito ay plastic na kurtina lamang kaya pumasok pa rin ang usok dito.

Bukod sa apat na  Pinoy ay apat pang Taiwanese employees ang nasawi sa naturang sunog.

Ayon kay Bello, ang mga nasawi ay eembalsamuhin na sa Taiwan at inabisuhan na rin ang kanilang mga pamilya habang minamadali na rin ang pagpapauwi sa bangkay ng mga biktima.

Show comments